Monday, January 30, 2012

Imbestigasyon sa Supreme Court-World Bank loan, kailangang isagawa na

Hiniling ngayon ni Eastern Samar Rep Ben Evardone na imbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang umano'y maanomalyang paggasta sa $21.9-milyong inutang sa WB o sa World Bank ng SC o Supreme Court.

Sinabi ni Evardone na ayon umano sa World Bank, mayroon daw itong natuklasang kuwestiyunableng pinagkagastuhan ang Kataasataasang Hukuman gamit ang inutang na pondo sa WB.

Batay sa HR02044 na inihain ni Evardone, sinabi nito na umutang ang Korte Suprema ng $21.9 milyong dolyar o P930.75 milyong piso mula sa WB sa ilalim ng high tribunal’s Judicial Reform Support Project (JRSP) na nakatalagang magsagawa ng mga pagsasaayos at magpanumbalik ng epektibong paggalaw ng hustisya sa bansa.

At batay naman sa aide memoire ng WB, mula umano ng manungkulan si Chief Justice Renato Corona noong kalagitnaan ng taong 2010, naging napakabagal ng progreso ng pagrereporma ng hudikatura at tinawag pa itong "unsatisfactory" na may "implementation delays and additional work required for smooth project closing" ng WB.

Ayon pa kay Evardone, binigyan din ng pagtaya na "high risk" at "unsatisfactory" sa ginawang judiciary review ng WB noong October 24 hanggang November 11, 2011 at ang JRSP sa aspetong project management, procurement, at financial management, dahilan upang ituring na "di-maaasahan" ang project financial statements.

Idinagdag pa ni Evardone na lumabas din sa daw ginawang pag-aaral ng WB ang paggamit ng pondong inutang sa WB para sa mga foreign travels ng mga hukom at ang pagbili ng mga kagamitan para sa information technology equipment na hindi naman kasama sa napagkasunduan nang mangutang ng pondo ang SC sa WB.

Dapat din umanong maliwanagan ang bayan kung bakit hinihingi ng WB na ibalik ang $199,900, na sumasakop sa 70% payments na itinuturing na ineligible o unauthorized sa ilalim ng napakasunduan sa JRSP.

Kabilang sa sinasabing "ineligible" purchases, ayon pa sa kanya, ang umano'y ginasta sa biyahe sa ibang bansa ng mga hukom at ng kani-kanilang mga staff, kasama dito ang airfare, hotel accommodations at meal allowances, speaker’s fee para sa mga ginawang seminar, registration fee ng mga hukom na dumalo sa mga international conferences.

---