Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng prangkisa sa Filipino Catholic Organization na makapag-operate at magmintena ng mga television station sa bansa.
Bibigyan ng Kongreso ang TV Maria Foundation Philippines, Incorporated ng 25-taong prangkisa para magtayo, mag-operate at magmintena ng mga TV broadcasting station sa bansa, batay sa HB05492 na iniakda nina Manila Rep Amado Bagatsing at Marikina Rep Marcelino Teodoro.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng may-ari nito ang gobyerno ng sapat na oras para iparating ang mga mahahalagang isyu at tumulong sa pagbibigay ng impormasyon at edukasyon sa taumbayan.
Sinabi ni Bagatsing na hindi papayagan ang station na mag-broadcast ng mga malalaswang palabas, kabastusang salita, pagbibigay ng maling impormasyon at sinadyang pagsisinungaling.
Idinagdag pa ni Bagatsing isa sa mga probisyon umano ng panukala ay ang pagbibigay ng karapatan sa Pangulong ng Pilipinas na sakupin at i-operate ang istasyon at pasilidad sa panahon ng digmaan, rebelyon, panganib sa publiko, kalamidad at kaguluhan sa kapayapaan at kaayusan.