Inumpisahan na ang imbestigasyon ng Kamara de Representantes hinggil sa pagkamatay ni national superbike champion Maico Buncio sa Clark International Speedway noong ika-16 ng Mayo ng kasalukuyang taon sa bisa ng HR01284 at HR01289.
Dahil dito, nagbigay ng derektiba si Camarines Norte Rep at House Committe on Youth and Sports chair Renato Unico sa PSC o Philippine Sports Commission na maglabas ng mga pamantayan para maiwasan ang sakuna sa motorcycle racing at iba pang kauri ito.
Sinabi ni Unico na hindi sa nakikialam ang Kongreso sa gawain ng National Sports Association kundi nais lamang nilang isaayos ang lahat sa tulong na rin ng PSC.
Sa pagdinig ng Komite, tiniyak ni PSC chairman Ricardo Garcia na maglalabas ang ahensiya at ang iba pang stake holder ng mga pamantayan para hindi na muling maulit pa ang ganitong mga aksidente.
Batay sa mga pag-aaral, sinabi ni Unico na karamihan sa mga sakunang nangyayari ay tuwing sa insayo kaysa sa aktuwal na karera at dahil dito, nakatawag umano ito ng pansin na kailangang bumalangkas ng mga safety measures para maiwasan ang mga sakuna sa lahat ng antas ng palakasan.
---