Wednesday, October 19, 2011

Pagpapalawig ng Oversight Committee on Dangerous Drugs, aprubado na

Inaprubahan sa Kamara ang joint resolution na naglalayong palawigin ng sampung taon pa ang pananatili ng Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs.

Sa HJR0016 na inihain ni Iligan City Rep Vicente Belmonte, Jr, layunin nito na payagan ang Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs na muling pag-aralan at busisiin ang mga polisiya at paraan ng pagpapatupad ng ibat-ibang agensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa iligal na droga o ang RA09165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, kasabay ng pagsasagawa ng konsultasyon sa mga mamamayan.

Sinabi ni Belmonte na ang resolusyona ng siyang magtatakda at magbibigay mandato sa nabanggit na komite na bumuo ng mga panuntunang dapat sundin kung papaanong mamamatyagan ang pagkilos ng iligal na droga sa bansa.

Ang nabanggit na Congressional Oversight Committee ay bubuuin ng pitong miyembro mula sa Mababang Kapulungan at pito rin mula naman sa Senado na pamumunuan ng mga chairman ng Committee on Dangerous Drugs sa Kamara at Committee on Public Order and Illegal Drugs sa Senado.

Ayon kay Belmonte tungkulin ng Oversight Committee na masiguro na umiiral ang transparency sa implementasyon ng batas at dapat ay magsumite ito ng ulat mula sa mga ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng programa, proyekto at polisiya tungkol sa iligal na droga.

Ito rin umano ang mag-aapruba ng pondo para sa mga programang dapat ipatupad, mga dapat pagkagastusan ng tanggapan kasama na ang compensasyon ng mga empleyado nito.

----