Thursday, October 13, 2011

Mga mational project sa Taguig, hinaharang ng LGU ng lungsod

Kinundena ni Taguig City Rep Sigfrido Tinga ang diumanoy panghaharang ng lokal na pamahalaan ng naturang siyudad sa mga proyektong nais gawin ng national government na naglalayong lalong mapaunlad ang lungsod at ang mga mamamayan nito.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Tinga na mayroon umano siyang mga proyekto tulad ng pagpapalawak ng barangay hall at rehabilitasyon ng mga kalsadang sira-sira sa ilang barangay sa Taguig ang naaapektuhan na sa political vendetta na ginagawa sa kanya ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa kanya, may ilang mga elemento umano ng Taguig City Hall ang nanakot at nanggulo sa mga opisyal ng barangay at mga manggagawa na nagsasagawa ng konstruksiyon sa barangay hall ang naturang insidente ay paulit-ulit na nagyayari sa kasalukuyang lokal na administrasyon at ayon sa kanya, nang siya umano ang nagsilbi bilang city mayor sa naturang lugar sa loob ng siyam na taon, ni hindi niya ginawa ang manakot at manggipit na tulad ng ginagawa ngayon.

Bagamat inamin naman ni Tinga na noong siya ay mayor pa, may insidente rin na nagpatigil siya ng konstruksiyon ngunit hindi umano politika ang dahilan nito kundi mayroon na umanong naunang plano para dito.

---