Inaprubahan na sa Kamara ang panukalang naglalayong patawan ng mas mabigat na parusa sa ilang election-related offenses tulad ng karahasan, pamimilit, pananakot, paggamit ng lakas at pagbabanta.
Sa inihaing HB04145 nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao partylist Rep Maximo Rodriguez, Jr, layunin nito na amiyendahan ang Omnibus Election Code na nauna na ring inamiyendahan at RA08189 o ang Voter’s Registration Act.
Sinabi ng mga may-akda ng panukala na dapat umanong siguraduhin ng Estado na mayroong pantay, tapat, maayos at payapang halalan at mapangalagaan ang integridad at kabanalan ng mga balota at panatilihin na mangibabaw ang kagustuhan ng mga botante.
Dapat lamang umanong na patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang mga lalabag sa batas na kaakibat sa pagpapatupad ng malinis na halalan at hindi ito dapat pangibabawan ng pananakot, pamimilit, at karahasan.
Malaki rin umano ang maitutulong nito upang pigilan ang sinumang naglalayong gumawa ng pananamantala at pagdaraya tuwing may halalang magaganap.
Ang posibleng makasuhan at maparusahan sa ilalim ng panukalang ito ay yaong mga miyembro ng election inspectors, miyembro ng board of canvassers at mga opisyal ng Commission on Elections na magiging instrumento, tutulong o sasali, direkta man o hindi, sa pagsasagawa ng pandaraya sa halalan.
Ilan sa mga kaparusahang maaaring ipataw sa mga mapapatunayang nagkasala ay pagkabilanggo ng di bababa sa isang taon at hindi naman lalampas sa 12 at hindi maaaring mabigyan ng probation at hindi na rin maaaring makapaglingkod sa pamahalaan sa habang buhay ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa batas hinggil sa halalan.
Kasama rin sa maaaring maparusahan sa pamamagitan ng pagpapataw ng multang hindi bababa sa P500,000, ang mga political party kung saan miyembro ang mapapatunayang nagkasala.