Friday, September 02, 2011

State witness, dapat sumailalim sa psychological exam

Iminungkahi sa Kamara ngayon na kailangan sumailalim sa physical at psychological examination ang maaaring saksi bago ito tuluyang makapasok sa witness protection program para sa lalong ikabubuti ng programa ng gobyerno.

Sa inihaing HB05060 ni AGHAM partylist Rep Angelo Palmones, ipinanukala niya na amiyendahan ang RA06981 upang maisama ang probisyong kanyang iminungkahi at ito sa “Witness Protection, Security and Benefit Act.”

Sinabi ni Palmones na hindi kasama sa mga probisyon ng RA06981 na sumailalim sa pagsusuri ang maaaring aging saksi ng estado at may mga insidente pa umano na nawawala ang saksi dahil wala ilong medical examination.

Layunin din ng HB05060 na malaman kung ang maaaring saksi ay physically, mentally at psychologically sound upang karapat-dapat ito para makapasok sa programa.

Ayon kay ni Palmones, dumaranas umano ng matinding takot at physical stress ang mga saksi na nasa ilalim ng programa at kailangan malaman ito ng mga kinauukulan para mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Hindi daw biru-biro ang nasa witness protection program dahil sa sobrang tensyon o emotional at psychological pressure na dinaranas ng saksi lalo na doon sa mahihina ang loob.