Isinusulong ngayon sa Kamara na imbestigahan ang diumano’y malawakan at sistematikong pandaraya sa loob ng NFA o National Food Authority kung saan ang ahensiya umano ay nagsisilbing trade facilitator at importer na nakakasama naman sa kapakanan ng mamamayang mamimili at magsasakang Pilipino.
Sinabi ni Quezon City Rep Winston Castelo sa isinumite nitong HR01396 na napapanahon na upang magsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Food Security upang makagawa na rin ng paraan kung paanong kokontrahin at mapapatigil ang kaganapang ito sa loob ng NFA.
Ayon pa kay Castelo, may mga ulat na nakarating sa kanyang tanggapan na ang Inter Agency Council projects sa NFA ang siyang nagpapahayag ng mataas na pangangailangan at kakulangan ng bigas upang magawang makapag-angkat ng mas maraming bigas ang mga importer at ang mga ito naman umano ang nananamantala at nagpapatong ng mas mataas na presyo ng bigas na ina-angkat.
Sa nakalap na ulat ni Castelo, may mga bangko umano na kumikita rin ng malaki sa transaksiyon na ito kung saan ang alinmang bangko na magpapautang ng malaki sa NFA ay magkakaroon din ng malaking kita base sa kung gaano kalaki ang bigas na ia-angkat ng bansa.
Ayon pa kay Castelo, tungkulin ng daw NFA na magbigay ng bigas sa mamamayang Pilipino sa murang halaga kaya’t dapat ay alam nila kung ano ang ganap na paglalagak, imbentaryo, at mitigasyon ng mga bigas at ang posibilidad na ito ay masayang kung ang aangkatin ay labis-labis.
Nakakalungkot umanong malaman na mayroong tone-toneladang sako ng bigas na nakaimbak sa iba’t-ibang imbakan sa bansa na nasasayang lamang at maisisisi ito sa maling pag-iimbak, maling pagdi-deklara kung may kakulangan o wala at ang kawalan ng transparency lalu na kung may katotohanan ang umano’y pagiging trade facilitator at importer ng NFA na dahilan pa umano upang masayang ang malakaing bahagi ng pondo ng pamahalaan samantalang kumikita naman ng malaki ang ilang traders at financial institutions, dagdag pa ni Castelo.