Thursday, September 29, 2011

Pagbibigay ng insentibo sa gumagawa ng hybrid vehicles, isinusulong

Umaani ng maraming suporta sa Kamara ang ang kilusang pagbibigay ng insentibo sa mga gumagawa at nag-aangkat ng mga tinaguriang hybrid na sasakyan at iba pang uri ng alternatibong sasakyan na makakatulong upang mabawasan ang paggamit ng langis at mapangalagaan ang kalikasan.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguezm ay-akda ng HB05161, na kakaunti lamang umano ang nagnanais na bumili ng mga hybrid na sasakyan dahil na rin sa sobrang kamahalan nito na sanhi ng mataas na buwis at iba pang bayaring ipinapataw ng pamahalaan.

Ayon sa kanya, ang bilang na ipinalabas ng Toyota Motor Philippines, Inc na nagbebenta ng Toyota Prius at Lexus hybrid vehicles, ay masyadong mababa at halos nasa 100 hybrid vehicles lamang mula nang simulan ng kumpanya ang pagbebenta ng mga ganitong uri ng sasakyan sa lokal na pamilihan.

Kung pag-uusapan ang energy-saving efficiency, lumilitaw sa mga test driving results na ang isang puno na tangke ng unleaded gasoline na nagkakahalaga ng P1,800 sa isang hybrid vehicle ay katumbas ng isang sasakyang may full tank diesel na nagkakahalaga ng P3,000.

Nauna rito, nagsumite na rin ng panukala si Batangas Rep Hermilando Mandanas ng HB04794 na may parehong layunin, samantalang si Ilocos Sur Rep Ryan Luis Singson naman ay nagsumite rin ng HB05139 na naglalayon namang huwag patawan ng ilang buwis ang mga manufacturer at importer ng hybrid vehicles.

---