Iminungkahi ni Davao del Norte Rep Anthony del Rosario ang agarang pagsiyasat ng Kongreso batay sa kanyang inihaing HR01669 sa mga naglipanang nakakalason at mapanganib na mga school supplies at laruan na nagkalat ngayon sa mga pamilihan sa buong bansa.
Sinabi ni del Rosario na kailangan na umanong imbestigahan ng Kongreso ang problemang ito dahil malaki ang posibilidad na magkasakit ang mga bata dahil sa mga nakakalasong laruang ito.
Sa ulat ng EcoWaste Coalition and International Persistent Organic Pollutants (POPs) Elimination Networks ayon pa kay del Rosario, 30% ng 200 local at imported na laruan sa iba’t ibang tindahan ay nag-positibo sa toxic metal.
Idinagdag pa ng mambabatas na nagkalat din daw ang mga school supplies na yari sa polyvinyl chloride at nagtataglay ng phthalates na ginagamit para gumawa ng plastic na laruan.
Dahil dito, ipinanukala ni del Rosario na kailangan umanong matyagan ang mga manufacturer, importer at distributor ng mga nalalakasong laruan at school supplies.