Batay sa HR01542 na inihain nina Valenzuela Rep Magtanggol Gunigundo at Tarlac Rep Jeci Lapus, uumpisahan na ang imbestigasyon ng House Committee on Trade and Industry hinggil sa mga reklamong mataas na singil sa renta ng mga shopping malls
Sinabi ni Gunigundo na wala umanong magawa ang mga restaurants, boutiques at drug stores na umuupa kundi magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto gaya ng damit, sapatos, hand bag, pantalon, polo shirts, pagkain at mga inumin dahil hindi regulated ang presyo ng paupa sa mga malls.
Ayon sa kanya, halos lahat ng Filipino daw ay nagpupunta sa mga malls tuwing week-end kasama ang pamilya at pagkatapos mag-shopping, siguradong kakain sa restaurant at dito na sila maging biktima sa mataas na presyo ng pagkain, bottled-water, soft drinks at iba pa dahil mataas ang upa ng puwesto sa malls.
Walang magawa ang food at retail outlet kundi magtaas ng presyo o kaya’y magbawas sa serving ng pagkain dahil sa overhead expenses na dulot ng regular na 10% pagtaas ng renta taun-taon at wala na silang magawa kundi patulan ito para lamang mapanatili ang kanilang negosyo, dagdag pa ni Gunigundo.
Sinabi naman ni Rep Lapus na bukod sa renta, kailangan ding magbayad ang mga umuupa ng 15% ng kanilang gross sales, batay sa nakasaad sa kanilang mga kontrata.
Ayon pa sa kanya, ang percentage rate ay binabayaran umano kung ang 15% ng gross sales ng lessee ay mas mataas sa discounted rent na nakasaad sa lease agreement.
Bukod sa 10% na taunang dagdag sa upa at bayad sa percentage rent, nagbabayad din ang umuupa ng maintenance, air-conditioning, common use service areas (CUSA), telephones, electricity, water and rental association dues, dagdag pa ni Lapus.