Thursday, August 25, 2011

Walang pondong pangpatayo at pangkumpuni ng mga hukuman sa 2012 budget

Ipinahayag ni Pangasinan Rep Marlyn Premecias-Agabas na wala umano kahit isang sentimong inilaang pondo ang Justice Department para sa pagpapatayo ng gusali o kahit para sa pagkukumpuni man lamang ng mga hukuman sa maraming lugar ng bansa matapos na isumite ang panukalang 2012 General Appropriations Act na naglalaan ng P400 milyong pondo para sa pagtatayo ng Manila Halls of Justice.

Ayon kay Primicias-Agabas, Chairman ng House Committee on Revision of Laws, aamiyendahan nila ang 2012 national budget sa pamamagitan ng pagbabalik ng panukalang P1.2 bilyong pondo para sa mga korte.

Ipinaliwanag niya na alam umano ng lahat na hindi lamang mga hukuman dito sa Kamaynilaan ang nangangailangan ng pagkukumpuni ng kanilang mga gusali, kailangan pa ring makapagpatayo ng mga bagong gusali para sa mga hukuman sa maraming congressional districts sa buong bansa.

Sa pagharap ni Justice Secretary Leila De Lima sa pagdinig sa Kamara, sinabi nito na naglaan daw ang kagawaran ng P1.2 bilyong pondo para sa mga lokal na hukuman ngunit hindi ito isinama ng DBM o Department of Budget and Management sa Kamara ayon sa liham na kanilang ipinadala noong ika-6 ng Enero 2011 na nagsasaad ng pagtutol ng Pangulo sa mga probisyon para sa hinihinging pondo.

Ayon kay De Lima, ang P1.2 bilyong panukalang pondo ay inilalaan para sa pagtatayo, pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga gusali ng hukuman sa buong bansa ngunit maaari pa rin namang hilingin ng mga mambabatas na ibalik ito kung nanaisin nila.

Idinagdag pa niya na mananatili pa rin ang hiniling na P400 milyong pondo na tanging inilalaan lamang para sa pagkukumpuni ng Manila Hall of Justice na inendorso ng Kataastaasang Hukuman noong nakaraang taon kung walang inisyatiba ang Kongreso na hilingin ang pagbabalik ng P1.2 bilyong pondo.