Pinupursige ngayon sa Kamara ang mga mungkahing magbabago ng school calendar na gawing Setyembre na imbes na Hunyo ang umpisa ng school year sa gitna ng sunod-sunod na nagdaang mga bagyong dinanas ng bansa.
Sinabi ng mga may-akda ng mungkahing ito na humigit-kumulang sa dalawampung bagyo ang dumaraan sa bansa sa loob ng isang taon kung kaya't sila ay nag-alala sa magiging epekto nito sa mga estudyante at mga magulang na dulot ng naturang mga kalamidad.
Bukod dito, nag-aalala din sina Cavite Rep Lani Mercado-Revilla at bagong Henerasyon partylist Rep Bernadette Herrera-Dy para sa mga estudyante, magulang at titser sa maaring makuhang sakit tulad ng respiratory diseases, dengue fever at leptospirosis at sa mga hukay sa kalsada at bukas na imburnal.
Sinabi ni Mercado-Revilla na sa nakaraang magkasunod na bagyong pumasok sa bansa, may ilang beses na sinuspendi ang mga klase sa elementary pati na sa kolehiyo dulot ng malakas na ulan at pagbaha.
Sa unang araw pa lamang umano ng pagbubukas ng klase, pumapasok na ang bagyo at ang pagsuspendi sa mga klase ay hindi lamang isang araw dahil nanatili pa rin ang baha sa ibang lugar.
Bagamat magkahiwalay ang HB04866 at HB04895 na inihain nina Mercado at Herrera-Dy, nagkaisa naman ang dalawang kongresista sa pag-amiyenda sa RA07797, ang “The Act of Lengthen the School Calendar not more than 220 day.”
Ang Pilipinas at Brunei lamang ang dalawang bansa sa Asia-Pacific region na nagsisimula ang regular classes sa Hunyo. Enero sa Malaysia at Singapore, Pebrero sa china, Marso sa South Korea, Abril sa Japan at India, Mayo sa Thailand, Hulyo sa Indonesia at Setyembre sa Hong
Kong.
--