Tuesday, August 23, 2011

Lokal na industriya ng musika, makatatanggap na ng insentibo galling sa pamahalaan

Pumasa na sa ikatlo pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang maglilibre sa buwis, maglalaan ng subsidiya sa lokal na industriya ng musika at himukin ang pagpapalakas ng mga orihinal na musikang Pilipino upang mapahanay na tayo sa pandaigdigan larangan.

Ang HB04443 na inihain nina Bayan Muna Rep Teddy Casiño at Taguig City Rep Sigfrido Tinga ay may layuning amiyendahan ang RA07160 o Local Government Code upang malibre ang mga musikang pop, rock at kahalintulad na konsyerto na nagtatanghal ng mga Pilipinong mang-aawit at kompositor, sa pagbabayad ng amusement tax.

Sinabi ni Tinga na ang sobrang buwis sa kanilang gross income ang labis na nagpapahirap sa industriya ng lokal na musika na makipagtagisan sa mas mayayaman at mas suportadong dayuhang musikero.

Ayon sa kanya, napapanahon na para pagtuunan ng pansin at suportahan ng pamahalaan ang sining at kultura ng ating lahi sa pamamagitan ng mga naaangkop na mga batas.

Sinabi naman ni Casiño na dahil sa taas ng buwis sa mga konsyerto ay halos wala nang kinikita ang mga mang-aawit at mga producer na kadalasan ay lugi pa o bawi lang sa gastos at ang kakulangan ng mga insentibo ang dahilan ng kawalang-gana ng mga ito na mag-organisa ng mga live performances na nagresulta sa pagbaba ng oportunidad sa trabaho, damay ang galing at kahusayan ng mga artista at mang-aawit.

Layunin din ng panukala na ilaan ang kita sa amusement tax mula sa mga konsyerto at iba pang kahalintulad na presentasyon sa mga workshop ng local theater musicals o workshops at mga pagsasanay para sa mga local artists at mga kompositor upang makalikha pa ng mga orihinal na awiting Pilipino.

---