Monday, August 01, 2011

Imbestigasyon sa PCSO, iminungkahi

Posible umanong nilabag ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office ang kanilang sariling regulasyon na dapat hiwalay ang charity funds mula sa ibang accounts o ang tinatawag na general expenses at maaari ding nilabag nito ang COA o Commission on Audit accounting rules and regulations.

Ito ang ipinahayag ni Quezon City Rep Winnie Castelo nang kanyang sinabi na ilang opisyal ng PCSO ang nagbulgar na may mga palsipikadong media contracts at bogus medical claims na naging gatasan sa PCSO hanggang magka-utang ito ng P4 bilyon noong panahon ng dating administrasyon.

Ayon kay Castelo, gumastos umano ng sobra-sobra ang PCSO mula sa kanilang operating expenses kaysa sa charity work lalo na sa huling dalawang taong naupo ang mga dating itinalaga bilang mga miyembro ng board nito kaya kanyang hiniling sa Kamara na imbestigahan ang diumanong katiwalian sa PCSO.

Pumasok daw ang mga former appointees sa milyong pisong kontrata na may pinaborang grupo ng media at nag-isyu rin ng mga guarantee letter sa mga ospital at parang lumalabas na ang P1 bilyon ay naibayad sa media group at ang natirang P3 bilyon ay napunta sa mga ospital.

Ayon naman kay PCSO chair Margarita Juico na ang mga tinalaga ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mga director ng PCSO board ang gumamit ng operational expenses at nilabag ang alituntunin ng ahensiya na hiwalay ang charity fund mula sa general expense
account.