Iminungkahi ngayon sa Kamara ang pagkakaroon ng minimum na sahod, pagmimiyembro sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga kasambahay sa buong bansa.
Sa isinumiteng HB04896 ni Cavite Rep Lani Mercado-Revilla, ang lahat ng kasambahay na namamasukan sa NCR o National Capital Region ay dapat tumanggap ng sweldong P3,000 samantalang P2,500 kada buwan sa mga chartered cities at first class municipalities at maari namang tumanggap ng P2,000 na suweldo kada buwan ang mga kasambahay na naninilbihan sa iba pang munisipalidad.
Sinabi ni Revilla na ito ay bilang pagkilala at pagbibigay proteksiyon na rin sa lahat ng kasambahay na ang trabaho ay maituturing na espesyal at mahalaga sa bawat pamilyang kanilang pinapasukan.
Batay sa panukala, dapat ay mayroong kasulatan sa pagitan ng amo at ng kasambahay kung saan nakasaad ang dapat tanggaping sweldo ng kasambahay at maging kung kailan dapat matanggap ang sweldo at kung kailan dapat na madagdagan ito.