Wednesday, July 06, 2011

Pagkakaroon ng masteral degree sa PMA, ipinanukala

Iminungkahi sa Mababang Kapulungan na bigyan ng kapangyarihan ang PMA o Philippine Military Academy sa pamamagitan ng Academic Board nito na maggawad ng Masteral Degree sa mga opisyal ng AFP o Armed Forces of the Philippines na ganap makakakompleto ng aprubadong graduate course ng pagsasanay.

Sinabi nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao partylist Rep Maximo Rodriguez na ang kanilang panukala, ang HB01669, ay may layuning mapaangat at maipagpapaibayo ang kakayahan ng mga opisyal ng sandatahang lakas para makamtan ang isang people-oriented military service na minimithi.

Ayon sa mga mambabatas, marapat lamang umanong maipatupad ang isang masteral studies program Sa PMA sapagkat ito lamang daw ang susunod na importanteng hakbang upang maipagpapaibayo ang kakayahan ng buong AFP.

Idinagdag pa ng mga mambabatas mula sa Mindanao na bilang isang mahalagang bahagi ng national development, dapat lamang umanong mayroong tuloy-tuloy na pag-angat ng bawat opisyal sa kanilang sariling propesyon sa pamamagitan ng training at academic skills proficiency at ang naturang masteral program ang siyang tutugon sa pangangailangan para sa higher learning at pagsasanay sa mga batang opisyal na maging epektibong military managers.

--