Tatlumpo't walong milyong mahihirap na Pilipino ang makatatanggap ng tulong medikal sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kapag tuluyang naisabatas ang panukalang naglalayung palawakin ang nasasakupan ng programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Sa inihaing HB04150 ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na sinuportahan ng karamihan sa mga mambabatas na tatawaging Pinoy Health Insurance Act of 2011, ipapamahagi ang health insurance identification (ID) cards sa mga benepisyaryo nito na magmumula sa 40% mahihirap na sektor ng lipunan.
Ang nabanggit na panukala ay nakatakda na ring pag-usapan sa Plenaryo sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 25.
Sinabi ni Belmonte na layunin ng panukalang ito na masiguro na ang mga mabibigyan ng tulong
sa pamamagitan ng programantg ito ay tuluyang makakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Ayon sa panukala, magbabayad pa rin ang makakatanggap ng tulong ng tinatawag na premium contributions ngunit mayroon itong katumbas na subsidiya mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).
Ayon naman kay House Majority Leader Neptali Gonzales II, isa rin sa mga nagsusulong ng panukalang ito na ang tuluyang pagsasabatas ng HB04150 ay magiging daan upang mabuo at tuluyang maipatupad ang layunin ng pamahalaan na magkaroon ng universal health care sa pamamagitan ng pagpapatatag at pagpapalakas ng PhilHealth.
Sinang-ayunan naman ito ni Negros Occidental Rep Alfredo MaraƱon III, Chairman of the House Committee on Health, at sinabing panahon na umano upang mabigyan na rin ng pagkakataon ang mga vendor, nagtitinda sa palengke, trike driver, pedicab driver at mga pahinante at manggagawa sa konstruksiyon, na makinabang sa programang pangkalusugan ng pamahalaan.