Tuesday, June 21, 2011

P1,700 na buwanang dagdag para sa mga beterano, pasado na

Makatatanggap na ng karagdagang P1,700 buwanang pensiyon at P500 para sa asawa at para sa mga anak bukod pa sa mga benepisyong makukuha ang isang beterano, batay sa panukalang batas na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes.

Sinabi ni Tarlac Rep Herminia Roman, prinsipal na may akda ng HB03697 na may layuning burahin na ang Section 5 ng RA07696 na nag-uutos na bayaran ang Total Administrative Disability (TAD) pension ng beterano na umabot sa edad na 70 gulang.

Ayon kay Roman, layunin din ng kanyang panukala na amiyendahan ang RA06948 o ang
“An Act standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Dependents.”

Mariin niyang sinabi na mapipigil at malilimitahan na daw ng batas na ito ang lumaking obligasyon ng gobyerno para sa mga beterano.

Idinagdag pa ni Roman na nananatiling umanong walang inilalaan na pondo sa TAD dahil
hindi ito isinasama ng sangay ng ehekutibo sa taunang badget na isinusumite sa Kongreso.