Isinusulong ngayon sa Kamar ang pagpasa ng panukalang gagawad ng otomatikong pagtataas ng suweldo sa sinumang miyembro ng AFP o ng Armed Forces na idinideploy malayo sa kanyang permanenteng estasyon sa sandaling ang deployment period ay susobra sa 180 araw ng walang patid na serbisyo.
Tataguriang Extended Deployment Pay Increase Act, ang HB02870 na iniakda ni San Juan Rep Joseph Victor Ejercito ay may layuning mapa-angat ang kondisyon ng mga sundalo na nadideploy sa ibat-ibang lugar sa bansa at kahit sa ibayung dagat magampanan lamang ang kanilang tungkuling mahadlangan ang mga bantang terorismo.
Sinabi ni Ejercito na ang panukalang ito ay isang welcome development para sa ating mga kasundaluhan dahil ito ay makapagbibigay ng financial reward sa kanila ngunit bagamat ito ay isang pecuniary tribute para sa kanila, ito rin naman umano ay isang pagpapakita rin ng pagkikilala ng pamahalaan sa kanilang kontribusyon sa gawaing pangkapayapaan.
Ayon sa kanya, hindi bababa sa P10,000 kada buwan na increase ang matatanggap umano ng sundalo matapos makomplete nito ang 180 days na tuloy-tuloy na duty sa deployment niya.
Kasalukyang tinatalakay na ng House Committee on Appropriations ang naturang panukala bago ito magsasagawa ng paborableng rekomendasyon sa plenaryo.