Itinadhana sa RA00340 na nagsasaklaw sa mga panununtunan hinggil sa pagriretiro ng mga military personnel sa Sandatahang Lakas bago sumapit ang adiyes ng Setyembre 1979, partikular na sa Section 3 ng batas na naggagawad ng mga benepisyo sa mga survivors ng retired military personnel.
Ngunit tinukoy dito na hindi kasama sa mabibiyayaan ng benepisyo ang mga balo o widow ng namatay na nagretiro na ang kanilang kasal ay nangyari matapos mag-retire ang namatay.
Sinabi ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara sa kanyang panukala, ang HB00410 na ang nabanggit na probisyon ay maliwanag na discriminative laban sa mga balo na naging asawa ng sundalo matapos itong mag-retiro.
Ayon sa kanya, ang sundalo na nag-retire ay nangangailangan din ng kasama na kakalinga at tatalima sa kanyang pagtanda at marapat lamang na makatanggap din ng benepisyo ang kanyang balo na tumalima sa kanya bago pa man ito namayapa.
Sa kabilang dako naman, sa RA06948 na inamiyendahan ng RA07696, itinadhana rin na mabibigyan ng mga benepisyo ang hindi nag-aasawang balo ng nagretiro na hindi tinitingnan kung kalian sila ikinasal.
Dahil dito, ipinanukala ni Angara sa HB00410 na pag-isahin na lamang ang lahat na mga batas hinggil sa retirement benefits ng mga military personnel bilang bahagi ng mga inisyatibo na mapalakas ang ating Armed Forces.