Uumpisahan na ang pagdinig ng House Committee on National Defense na pinamumunuan ni Muntinlupa Rep Rodolfo Biazon hinggil sa diumano'y iregular at kewustiyunableng paggamit ng UN o United Nations peacekeeping funds.
Sinabi ni Congressman Biazon, dating naging Chief of Staff ng AFP, na kanilang kinumbidang dumalo sa susunod na pagdinig ng Committee sina Armed Forces of the Philippines o AFP Retired Gen Roy Cimatu at ang kanyang dating executive assistant na si Brig Gen Benito de Leon upang makapagbigay-linaw hinggil sa naturang isyu.
Ayon kay Biazon, nabanggit umano ang mga pangalan nina Cimatu at de Leon noong dininig ng committee ang HB04617 na magtatakda ng mga pay rates at allowances ng mga officers at enlisted personnel ng AFP habang sila ay nasa overseas duty kasama sa Philippine expeditionary at peacekeeping contingent.
Si Cimatu at de Leon ay haharap sa pagdinig bilang mga resource persons, ayon sa mga miyembro ng committee, dahil sila umano ang nasa posisyon upang makapagbigay ng magandang mungkahi kung paano masawata ang diumano'y mga illegal na disbursement ng mga pondo para sa UN peacekeeping.
Ang UN funds para sa Philippine peacekeeping contingent, ayon pa kay Biazon, ay ginagamit bilang discretionary funds sa tanggapan ng AFP-COS noong kapanahunan ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at kinumpirma naman daw ni DND Undersecretary Lorenzo Batino ang obserbasyon ng mambabatas nang sinabi nito na ang UN peacekeeping operation o UNPKO funds ay ginamit para sa miscellaneous expenses sa Camp O'Donnel sa Tarlac noong 2005.
Idinagdag pa ni Biazon na nararapat lamang umanong isama sa HB04617 ang probisyon na ipag-utos ang pagsusumite ng mga recibo at mga disbursements ng UNPKO upang masuri ng COA o Commisssion on Audit para maseguro ang tunay na paggamit ng pondo.