Bilang bahagi sa proseso ng modernisasyon ng ating Armed Forces of the Philippines, iminungkahi ngayon sa Kamara de Representatntes ang pagtatatag ng isang Military Dependents Welfare Office na siyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga programang magpapaunlad sa mga military dependents sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat na suporta galing sa pamahalaan.
Batay sa HB00435 na tataguriang Military Dependents Act na siya namang prinsipal iniakda ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara, hanggang apat na anak ng sundalo ang maaaring maging benepisyaryo ng educational benefits sa naturang programa, health benefits para sa buong pamilya ng sundalo at housing program para sa bawat sundalo, maliban pa sa commissary benefits na kasalukuyan nang tinatamasa ng ating kasundaluhan.
Sinabi ni Angara na obligasyon umano ng estado na seguruhing ang kapakanan ng ating mga military personnel at ang kanilang mga dapendent ay naipagpapaibayo, napapaunlad at napapaganda.
Ayon pa sa kanya, marapat lamang umanong makapagpasa ang Kongreso ng mga batas na magpapatatag ng mga benepisyo sa lahat ng mga kasundaluhan at ng kanilang mga dependent na siyang magbibigay diin sa pagdaragdag ng mga benepisyo sa kalusugan, edukasyon, pabahay at iba pang nararapat para sa kanila.