Tuesday, May 24, 2011

Tensiyon sa Spratleys, posibleng huhupa na, Biazon

Pinahayag ni Muntinlupa City Rep Rodolfo Biazon na matagumpay ang pagpupulong kamakalawa na dinaluhan nina Pangulong Benigno Aquino III, Chinese Minister of Defense Liang Guanglie at National Defense Secretary Voltaire Gazmin, pagpupulong hinggil sa tensiyon na dulot ng napa-ulat na pagpasok diumano ng mga Chinese fighter aircraft sa Spratleys.

Sinabi ni Biazon na naging matagumpay ang miting dahil parang nahadlangan na ang nasabing tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa bunsod ng pagtanggi ng Chinese Defense Minister na ang dalawang fighter aircrafts ay hindi pag-aari ng kanilang gobyerno.

Ayon kay Biazon, sa umpisa pa lamang ng sigalot ay tutol na siya sa balak na paghain ng protesta laban sa Tsina dahil nais niyang ma-establisa muna ang identity at pinanggagalingan ng mga aircraft at mabuti na lamang na hindi ito tinuloy dahil maging isang kahihiyan lamang umano sa bansang Pilipinas na tayo ay magprotesta na wala man lamang pruweba.

Idinagdag pa niya na sa binuong peaceful mechanisms ng dalawang bansa, tinalakay ditto ang usapin na may kaugnayan sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea na nilagdaan ng siyam na mga miyembro ng ASEAN at ng pamahalaang Tsina.

Dapat lamang umano na ituon natin sa naturang mekanismong pangkapayapaan ang ating pukos kaysa sa pagsasabing dapat na i-upgrade natin ang kakayahan ng ating air force at navy bilang tugon sa kahalintulad na sitwasyon dahil hindi ito umano nakakatulong sa ating paghahanap ng mapayapang solusyon sa sigalot.