Bagamat itinadhana sa Saligang Batas na mayroong mga kuwalipikasyon ang ihihirang na kalihim ng lahat na departamento sa pamahalaan, mayroon pa ring pangangailangan na ang hihiranging Secretary of National Defense o SND ay nararapat pang may taglay na di pangkaraniwang kuwalipikasyon.
Ito ay upang masundan ang prinsipyong mariing ipinatutupad na nagsasabing mayroong supremacy of civilian authority over the military.
Dahil dito, nagpasa ang Kamara de Representantes ng isang panukala, ang HB00009, principal na iniakda ni Muntinlupa City Rep Rodolfo Biazon na naglalayong magbabawal sa isang dating military officer na hirangin bilang SND sa loob ng tatlong taon matapos itong mag-retire man o magtapos ng kanyang termino galing sa active duty bilang isang commissioned officer sa AFP o Armed Forces of the Philippines.
Pakay ng panukalang ito na maiwasan ang kontrobersiyang maaring masasangkutan ng AFP bunsod ng pagkakahirang ng SND na maaaring mayroong personal at propisyunal na ugnayan sa mga namumunong opisyal ng AFP at upang ito ay maging objective at impartial sa kanyang mga polisiyang itatatag at ipapatupad.
Kasalukuyang tinatalakay na ngayon sa Senado ang nabanggit na panukala matapositong ipinasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan bago ito maging ganap na batas.