Wednesday, May 04, 2011

Programang alternative classroom experience sa mga paaralan, itatatag

Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang isang panukala na naglalayong magtatag ng alternative classroom experience program (ACLE) sa lahat ng paaralan sa buong bansa upang palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral.

Sa HB04337 na inihain ni Kabataan partylist Rep Raymond Palatino na tatawagin ding Alternative Classes Act, ipag-uutos sa lahat na mga secondary at tertiary educational institution na magsagawa ng mga ibat-ibang mga aktibidad kada semester o termino.

Ang panukala ay nalimbag base sa isang resolusyon na inaprubahan ng mga delegado ng 2nd National Youth Parliament ng NYC o National Youth Commission na humiling sa HED on Commission of Higher Education na magtatag ng ACLE sa lahat ng mga unibersidad at kolehiyo.

Sinabi ni Palatino na sa kasalukuyan ay mayroon nang mga paaralan na nagsasagawa ng ACLE tulad ng University Student Council ng University of the Philippines-Diliman kada semester at itinatag din nila ito sa ibat-ibang UP campuses.

Mayroon din ACLE ang Ateneo de Manila High School na kanilang tinaguriang KLIK o Klaseng Ibang Klase, sa University of Santo Tomas at sa Polytechnic University of the Philippines.