Tuesday, May 10, 2011

Mahirap na pasulit ng Japan para sa Filipino nurses, inireklamo

Nananawagan ngayon ang mga mambabatas sa bansang Japan na maghinay-hinay sa pagbibigay ng mahihirap na eksaminasyon para sa mga Filipinong nars (nurse) at caregivers para makapagtrabaho sa kanilang bansa.

Sinabi nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep Maximo Rodriguez na marapat lamang umanong repasuhin ang kasalukuyang kasunduan sa ilalim ng JPEPA o ang Japan-Philippine Economic Partnership Agreement matapos na isang Filipino lamang ang nakapasa sa Japanese licensure examination para sa nurse kamakailan lamang.

Sa ilalaim ng JPEPA, ang mga Filipino nurses at caregivers na nagnanais na magtrabaho sa Japan ay kailangang sumailalim sa anim na buwang pagsasanay sa wikang Japanese at pagsasanay sa kanilang mga ospital bago sila papayagang makapag-eksamin, ngunit napakahigpit at napakahirap anila ng eksaminasyong ibinibigay sa mga Filipino na nakasulat sa dayalektong Kanji na mas mahirap umanong basahin at isulat kaysa sa Nihonggo, ang pangunahing wika ng Japan.

Ayon kay Rodriguez, dapat igiit ng gobyerno ng Pilipinas sa bansang Japan na maghinay-hinay at repasuhin nila ang kanilang licensure exams upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Filipino na makapagtrabaho sa kanilang bansa.

Imposible umanong makapagbigay ng 1,000 trabaho ang gobyerno ng Japan sa mga Filipino nurses at caregivers sa taong ito kung napakahirap naman ng licensure examination ang ibinigay para sa mga aplikante.

Dahil dito, hinimok ni Rodriguez si Pangulong Benigno Noynoy Aquino III na pag-usapan ang isyu sa gobyerno ng Japan sa pagsisimula ng renegosasyon ng JPEPA, limang taon matapos lagdaan ang kasunduan.