Aaprubahan ng Kamara de Representates ang dalawamput-limang lokal na mga panukalang batas, kasama na ang pagtatatag ng bagong probinsiya ng Davao Occidental, bago magtapos ang unang regular na sesyon ng ika-15 Kongreso sa Hunyo anuwebe.
Sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr., na napakaimportante ng mga lokal na panukalang batas na ito dahil ang mga ito ang magdadala ng kaunlaran sa kanayunan lalo na sa pamamahagi ng mga serbisyong pampubliko sa buong bansa.
Kasama sa listahan ng mga panukalang batas na ito na nasa ikalawang pagbasa ay ang pagpapalawak ng distrito ng lungsod ng Caloocan sa HB03858 na isinusulong ni Caloocan City Rep Oscar Malapitan at ang paghihiwalay ng lungsod ng Batangas mula sa ikalawang distrito na nakapaloob sa HB04094 ni Batangas Rep Hermilando Mandanas.
Nangangahulugan daw ito na madadagdagan ang bilang ng congressional district mula sa kasalukuyang 284 na ganap na bilang ng mga kinatawan sa Kamara sa 286 kapag naitatag ang mga bagong distrito ng mga lungsod ng Caloocan at Batangas.
Bukod dito, 11 panukala ang naghihintay ng pinal na pag-apruba ng plenaryo upang gawing regular na distritong tanggapan ang mga Land Transportation Offices sa ibat-ibang lugarsa buong bansa.
Labing-isa pang lokal na panukala din na nagdideklara sa mga petsa bilang special non-working public holiday sa ibat-ibang lokalidad sa bansa ang naghihintay ng pag-apruba sa ikatlo at pinal na pagbasa bago magtapos ang sesyon.
Ayon kay Belmonte, kahit nakatutok pa daw ang Kongreso sa mga prayoridad na itinadhana ng LEDAC o ang Legislative-Executive Development Advisory Council na pinamunuan ni Pangulong Benigno PNoy Aquino, tungkulin pa rin umano nila na bigyang-halaga ang mga lokal na panukalang batas na napakahalaga sa kaunlaran ng buong bansa.