Sunday, May 22, 2011

Mabigat na parusa sa mahuhuling miyembro ng kapulisan at sundalong nagdudroga

Pagkatanggal sa serbisyo at pagkakakulong, bukod pa sa P200 libong multa, ang pulis o sundalo sa sandaling ito ay mapapatunayang lumabag sa mga probisyon ng panukalang batas na naglalayong patawan ng mas mabigat na kaparusahan ang sinumang miyembro ng PNP o Philippine National Police at AFP o Armed Forces of the Philippines na mapapatunayang gumagamit ng iligal na droga.

Batay sa HB03990 nina Iligan City Rep Vicente Belmonte at Cavite Rep Elpidio Barzaga, magkakaroon na ng drug testing sa PNP at AFP, kasama na ang mga estudyante, mga driver, mga kawani ng gobyerno at ng pribadong sector at maging yaong mga nagnanais magsilbi sa pamahalaan at mga kakandidato sa eleksiyon.

Sinabi ni Belmonte, chairman ng committee on dangerous drugs, ang sinuman umanong opisyal at miyembro ng militar at kapulisan o kawani ng gobyerno na mapapatunayan at magpopositibong gumagamit ng iligal na droga ay mapaparusahan ng kasong administratibo na magiging daan upang sila ay masuspinde at tuluyang matanggal sa serbisyo batay sa ilalim ng probisyon ng Civil Service Law.

Nakasaad din daw sa panukala ang probisyong magpapataw ng parusang pagkakakulong ng mula apat na taon hanggang 12 taon at multang mula P10,000 hanggang P200,000 at mahaharap din ang sinumang mapapatunayang nagdodroga sa summary dismissal proceedings.

Ayon pa sa kanya, hindi maaaring sabihin na hindi nalalaman at naiintindihan ng mga miyembro ng kapulisan at ng militar ang batas hinggil dito dahil sila ay dumaan sa mga pagsasanay at sa mga komprehensibong pag-aaral hinggil sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA09165 upang masigurong maipatutupad ang batas ng maayos.

Maging ang mga estudyante sa pampubliko o pribado mang paaralan at mga kawani ng pampubliko at pribadong sector ay sasailalim din sa random drug testing at ang gagastusin sa drug testing ay papasanin ng pamahalaan kahit na ito ay sa pampubliko o pribado mang paaralan.