Sunday, May 22, 2011

Hindi pa rin nawala ang dangal at integridad ng AFP, Aumentado

Hindi pa rin nawala ang integridad at dangal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahit na nahaharap ito sa masusing pagmamasid ng publiko tungkol sa isyu ng korapsyon at iregularidad.

Ito ang paniniwala ni Bohol Rep Erico Aumentado ng kanyang sinabi sa kanyang privilege speech kamakailan lamang na mayroon umano mga commands, divisions, brigades, battalions, companies, platoons, squads, men and women ang nagsisilbi sa kanilang bayan na mayroong dangal at karangalan.

Sinabi ni Aumentado ang NADESCOM o National Development Support Command sa pamamahala ni Maj Gen Carlos Holganza na nagpatayo ng mga gusaling paaralan sa kanyang lalawigan ng Bohol.

Ayon sa kanya, nagpatayo ang NADESCOM ng apatnapung two-classroom school buildings na nagkakahalaga ng P780,000 bawat gusali at ang buong building ay pinturado na may 56-square meter classroom na may toilet, water, electricity, blackboard, steel trusses at heat insolator at nagbigay din umano ito ng 40 pirasong armchair para sa mga estudyante ng bawat paaralan sa lalawigan at mga mesa at naman para sa mga guro.

Pinagmalaki ni Aumentado ang matibay na pakikipagtulungan ng Bohol civilian authorities, military at pulis, ang simbahan at civil society sa ilalim ng Team Bohol na siyang naging pangunahing susi para sa matagumpay na pakikibaka nito laban sa kahirapan at insurhensiya sa lalawigan.

Matatandaang idineklara ng DND o Department of National Defense at ng PNP o Philippine National Police ang lalawigan ng Bohol bilang insurgency-free province noong nakaraang taon.