Hindi natinag si Camarines Sur Rep Diosdado Dato Macapagal Arroyo sa banta ng BIR o Bureau of Internal Revenue na uungkatin nito ang kanyang SALN o Statement of Assets and Liabilities and Networth.
Sinabi ni Arroyo na hindi niya mamasamain ang hakbang ng BIR kung ang layunin nito ay tuparin lamang ang mandato ng ahensya at hindi kaladkarin siya o ang kanyang pamilya sa walang batayang iskandalo.
Ayon sa kanya, regular naman umano siyang nagsusumite ng update sa BIR at bukas daw siya sa pakikipagtulungan at pagtugon sa mga tanong ng ahensya hinggil sa kanyang mga ari-arian.
Ngunit duda ang kongresista sa tunay na motibo ng administrasyon na eksaminin ang kanyang SALN na ayon sa kanya, posible umanong naghahanap lamang ng mapagbabalingang isyu ang pamahalaan para iligaw ang taumbayan sa tunay na kalagayan ng bansa ngayon.
Ang hakbang ng BIR ay kasunod na rin ng inihaing tax evasion case laban sa kapatid nito na si Mikey.
Dahil dito, iminungkahi ng mambabatas na busisihin din ang mga SALN ng taga-majority at mga miyembro ng gabinete kung ang gobyerno ay talagang seryoso sa kanilang hakbang para sa ikabubuti ng pamahalaan.