Wednesday, May 18, 2011

Daraan na sa X-ray machine ang mga balik-bayan box

Hiniling ng mga kongresista sa BoC o Bureau of Customs na isama sa x-ray inspection ang mga balik-bayan boxes bilang bahagi ng magagawang remedyo ng Kamara mula sa kanilang imbestigasyon sa iligal na pagpasok sa bansa ng “hot cars” at motorsiklo mula sa Amerika.

Sinabi ni Attorney Lourdes Mangaoang, head ng BoC X-Ray Inspection Project, hindi sumasalang sa kanilang x-ray machine ang mga balik-bayan boxes dahil ito ay na-classify bilang isang consolidated shipment.

Sinabi naman ni Dasmarinas City Rep Elpidio Barzaga na kailangan umanong magkaroon ng mahigpit na eksaminasyon at imbestigasyon ng mga tauhan ng BoC sa mga shipments kahit na ito ay door-to-door shipments.

Itanong ni Barzaga kay Mangaoang sa ginanap na pagdinig ng House sub-committee on customs, tariff and related laws kung sa kasalukuyang batas ay ipinagbabawal ba na dumaan sa scanning ang balik-bayan boxes at sinabi naman ng nahuli na walang pagbabawal daw at na sa katunayan nga daw, ang kanya umanong nirerekomenda na dumaan ito sa x-ray machine kahit man lang mag-random x-ray ng mga consolidated shipments.

Sa ilalim ng BoC selectivity system, ipinaliwanag ni Mangaoang na mayroong tag na berde, dilaw at pula sa bawat epektus na ang ibig sabihin ng green ay walang inspection ng mga containers, ang yellow ay para sa document inspection at ang red ay X-ray inspection o physical examination.