Friday, May 27, 2011

Benepisyo para mga beterano at dependents nito, mapupundohan na

Bagamat ipinasa na ang RA06948 sampung taon na ang nakalilipas upang mabigyan ng karagdagang benepisyo ang mga beterano at ang mga dependent nito, hindi naman naipatutupad ang nabanggit na batas dahil sa kakulangan ng pondong pamahalaan.

Dahil dito, isinulong nina Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Partylist Rep Maximo Rodriguez ang isang panukala na magtatadhana ng taunang laang pondo para sa pagpapatupad ng naturang batas batay sa seguradong mapagkukunan ang pamahalaan.

Sinabi ni Cong Rufus Rodriguez na libu-libo na umano ang mga namatay na beterano na ni hindi man lamang nakatikim at nakapag-enjoy ng anumang benepisyo na itinadhana sa RA06948 dahil hindi na makapaglaan ang gobyerno ng pondo para sa partikular na probisyon nito.

Ayon sa kanya, responsibilidad umano ng pamahalaan na pondohan batas na ito kayat ipinanukala nila sa HB00601 na bigyan ng kapangyarihan ang DBM o ang Department of Budget and Management na mai-release ang mga dormant accounts o yaong mga perang hindi nagagamit ng pamahalaan para gamiting pangpuno sa inisyal na bayad sa mga kuwalipikadong beterano.

Ipaguutos sa panukala na ang mga dormant accounts ng gobyerno na nasa pangangasiwa ng DBM ay gawing available para sa inisyal na pambayad sa Administrative Total Disablity Pension para sa mga military veterans batay sa Section 2 ng RA07697, at para sa mga susunod na pagbayad, ito ay kukunin na sa taunang laang pondo para sa PVAO o ang Philippine Veterans Affairs Office.