Monday, May 30, 2011

3- taong termino ng AFP chief of staff, pasado na

Pumasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magtatakda ng tatlong taong termino ng panunungkulan para sa posisyon ng COS o Chief of Staff ng AFP o ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na nakapaloob sa HB00006.

Ang naturang panukala na nag-aantabay na lamang sa aksiyon ng Senado, ay prinsipal na iniakda ni Muntinlupa City Rep Rodolfo Biazon, at ito ay inaprubahan ng Kamara de Representantes bago pa man mag-adjourn ang sesyon noong buwan ng Marso ng kasalukuyang taon.

Batay sa panukala, ang termino ng COS ay mag-uumpisa sa araw ng pagkakahirang sa kanya ng pangulo ng bansa at ito ay uupo sa posisyon kahit hindi pa ito kumpirmado ng Commission on Appointments.

Ayon sa HB00006, hindi umano maaaring hiranging COS ang isang opisyal na may isang taon na lamang ang nalalabi sa kanyang panunungkulan bilang opisyal sa active duty.

Ang pangulo ay mamimili ng hihiranging COS galing sa mga officer sa grades ng Major General o Rear Admiral hanggang sa Lieutenant General o Vice Admiral at ang kalihim ng DND o Department of National Defense ang magtatakda ng mga panuntunan at regalasyon upang maipatupad ang batas na ito.