Nilahukan nina Deputy Speaker Lorenzo Erin Tanada III at U.S. Ambassador Harry Thomas, Jr. ang closing ceremony para sa mga nagtapos ng 11th Cycle of the Congressional Internship Program for Young Mindanao Leaders (CIPYML) na ginanap sa Kamara kamakailan lamang.
Ang CIPYML ay isang pagtutulungang proyekto ng mga pamahalaang Pilipinas at Estados Unidos na ibinibigay sa mga potensiyal na kabataang lider na nagmula sa Mindanao lalu na sa mga lugar na apektado ng kaguluhan upang bigyan sila ng pagkakataong maging intern ng tatlong buwan sa Kongreso kung saan sila ay matututong manaliksik para sa proseso ng pagsasabatas, paggawa ng panukala, pagdalo sa mga pagdinig ng komite, pagbalangkas ng mga committee report at pagsasaayos ng mga round table discussion.
Sinabi ni TaƱada na siyang kumatawan kay House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. na ang mga nagtapos sa programa ay ganap na nagkaroon ng pagkakataon na maka-immerse sa pamahalaang nasyunal upang madaragdagan ang kanilang pagsisikap na maghasa ng kanilang mga kasanayan sa pamumuno.
Naki-usap si Tanada at sinabi na siya umano ay nagpapatulong sa mga graduate sa kanilang pagsikap para sa kapayapaan sa Mindanao at tuloy-tuloy na pagdaloy ng kaunlaran sa buong rehiyon.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa paggawa nito, sila umano ay makakatulong hindi lamang sa paglutas ng problema sa rehiyon bagkus makakatulong din umano sila na maumpisahan ang isang mas mapayapa at maunlad na kinabukasan para sa bansa.
Ang mga iskolar ay galing sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Lanao del Norte, Marawi City, Zamboanga City, Zamboanga del Sur, Sulu, Basilan, Tawi-Tawi, General Santos City, Iligan City, Sarangani, Maguindanao at Cotabato City.