Wednesday, April 13, 2011

Puwede nang maglingkod ang sinumang responsableng mamamayan bilang poll duty officer

Iminungkahi ni ACT Teachers partylist Rep Antonio Tinio na payagan na ang COMELEC o Commission on Elections na mangalap ng mga maglilingkod nang boluntaryo sa panahon ng halalan sa kanyang inhaing HB04096 na naglalayong amiyendahan ang Section 13 ng RA06646, o ang Electoral Reforms Law of 1987.

Nais ni Tinio na ipawalang-bisa ang probisyon ng batas na tanging mga pampublikong guro lamang ang maaaring magsilbi bilang mga miyembro ng BEI o Board of Election Inspectors at payagan ang mga guro mula sa mga pribadong paaralan, mga kawani ng gobyerno na sakop ng serbisyo sibil, at mga mapagkakatiwalaang mamamayan .

Sinabi ng mambabatas na ang halalan ay isang mahalagang kaganapan sa isang demokratikong bansa at ang paglilingkod sa panahon ng halalan ay isang makabayang tungkulin na dapat ay maaaring igawad sa lahat ng mamamayan.

Ayon kay Tinio, ang pagpili ng mga BEI mula sa hanay ng mga mapagkakatiwalaang mamamayan ay magbibigay ng malawak na oportunidad upang makilahok ang maraming botante sa halalan.

Sinabi niya na malaki na raw ang hirap ng ating mga guro sa pampublikong paaralan sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa ating mga kabataan at ang kakayahang ito ang nagpapatunay sa kanilang kredibilidad para sa isang matagumpay na halalan, sa kabila ng mababang sahod at hirap na dinaranas nila sa mga lugar na kanilang pinagtuturuan.

Ngunit dapat din umanong igalang ang kanilang desisyon at kalayaang pumili kung gagampanan ba nila o hindi ang tungkulin ng BEI sa panahon ng halalan.

Iginiit pa ng mambabatas na ang tanging paraan lamang dito ay ang payagan at bigyan ng pagkakataon ang mga responsableng mamamayan na makapaglingkod bilang poll duty officers upang mabawasan ang mga pangamba ng ating mga guro mula sa mga panganib na dulot ng isang mainit na halalan.