Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang pagpasa ng panukalang magmamando sa mga mamamayang Filipino na bilhin, gamitin at arkilahin ang mga produktong gawa sa bansa lamang upang mapaigting ang lokal na kalakalan at industriya.
Sinabi ni Southern Leyte Rep Roger Mercado na sa kanyang panukala, ang HB04383, dapat lamang umanong suportahan ng pamahalaan ang local trade and industry sa pamamagitan ng paggawad ng kinakailangang suportang imprastraktura kung saan ito ay hindi mangyayari kung ang sarili nating mga mamamayan ay hindi bibili ng ating mga sariling produkto.
Ayon sa kanya, ang pagtangkilik ng mga produktong gawa ng lokal na industriya ay pagpapakita lamang na ang kalidad ng mga ito ay maaari na ring maipanghikayat sa mga dayuhang mamimili.
Marapat lamang umanong ideklarang isang polisiya ng Estado na paigtingin ang lokal na kalakalan at industriya sa pamamagitan ng paghikayat na bilhin, gamitin at arkilahin ang locally made products.
Batay sa panukala, ang bawat mamamayan ay obligahing bumili, gumamit at rirenta ng mga produkto at materyales na gawa lamang dito sa bansa kung saan, ang produkto ay ikonsidera bilang locally produced kung ito ay gumagamit ng 80% raw materials buhat sa bansa.