Monday, April 11, 2011

Pinakamalalang uri ng child labor, nasa Pinas

Paiimbestigahan ng ilang mga mababatas ang iniulat ng United States Department of Labor na ang Pilipinas umano ay may pinakamalalang uri ng child labor.

Sa HR01058 na inihain nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez, nanawagan sila sa House Committee on Labor and Employment na masusing pag-aralan ang ulat at ipatawag ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang magbigay-linaw sa naturang ulat.

Sinabi ni Rodriguez na ang ulat ng US Department of Labor ay isinumite kay US Vice President Joseph Biden at sa Kongreso ng Estados Unidos at ito ay nakakabahala dahil isinusulong nito ang kahirapan at pinagkakaitan ang mga kabataan ng pagkakataon na makapag-aral at matutunan ang mga kaalaman upang mamuhay na produktibo sa kanilang pagtanda.

Nais ipatawag ng mga mambabatas sa Kamara ang mga kinatawan ng DOLE o Department of Labor and Employment, BID o Bureau of Immigration and Deportation, DFA o Department of Foreign Affairs at iba pang kinauukulang ahensiya hinggil sa ulat na pinamagatang Findings on the Worst Forms of Child Labor na naglalaman ng pag-abuso umano sa maraming kabataang Pilipino at nagsasadlak sa kanila sa prostitusyon pornograpiya at kalakalan ng turismo sa sex bukod pa sa paggamit sa kanila bilang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, pangangatulong, at tagahatid ng mga ipinagbabawal na gamot na labis na nagiging mabigat na problema.

Ayon kay Rodriguez, ang ulat ay batay sa pagsasaliksik na isinagawa sa 125 bansa kasama ang 3 bansa sa rehiyon ng ASEAN – ang Indonesia, Thailand at Cambodia at sa kabuuang 753 pahina ng nasabing ulat, 7 pahina ang naglalaman ng kalagayan ng problema sa child labor sa Pilipinas, na nagpapatunay ng mabigat na suliranin para sa bansa.

Isinasaad sa ulat na ang mga kabataang Pilipino umano ay nakararanas ng sapilitang pagtatrabaho bilang katulong o di kaya ay ginagamit sa pang-aabuso at kahalayan at maraming kabataan din ang ginagamit sa mga minahan, paninisid sa karagatan para mangisda, at mga trabaho sa mga industriya, mula sa paggawa ng mga paputok hanggang sa mga fashion accessories.

Ang mga kabataang ito ay nagiging biktima umano ng aksidente sa trabaho na nagreresulta sa lubhang pagkasugat o pagkamatay, bukod pa sa sobra sobrang oras ng pagtatrabaho ng walang alalay mula sa mga nakatatanda.