Lalung paiigtingin pa ang proteksyon at pangangalaga sa mga saksi at biktima sa kanilang pagtestigo sa mga hukuman o imbestigasyon sa HB04079 ni Sorsogon Rep Salvador Escudero III.
Batay sa panukala, hindi maaaring ibunyag ng isang testigo o biktima ang kanyang mga personal na impormasyon tulad ng tirahan, pangalan at lugar ng negosyo, numero ng telepono, at mga mahahalagang personal na detalye sa pagharap nito sa isang pagdinig sa hukuman, maliban na lamang kung may kaugnayan ito sa impormasyong hinihingi ng korte.
Sinabi ni Escudero na ang pangangalaga sa mga biktima o testigo na nagbibigay ng salaysay at ebidensya sa isang kriminal na kaso ay labis na napakahalaga sa ikatatagumpay ng laban ng pamahalaan sa kriminalidad.
Ang HB04079 o Witness Confidentiality Act ay naglalayong itatag muna ang pangangailangan ng depensa na naghahangad ng impormasyon bago ito ihayag para maproteksiyunan ang testigo.
Ayon pa kay Escudero, kapansin-pansin na umano ang hinahangad na hustisya ay hindi naigagawad sa mga biktima ng krimen dahil sa nararanasan nilang pananakot, pagbabanta at panggigipit na ang naging resulta ay kabiguan ng hustisya na maparusahan ang mga nagkasala sanhi ng pag-atras ng mga testigo at biktima dahil sa takot na mapahamak.
Iginiit ng mambabatas na dapat lamang daw na maglatag ang pamahalaan ng matatag na proteksyon at mahigpit na patakaran upang mapanatiling lihim ang mga impormasyon ng mga testigo at biktima para mailigtas sila mula sa mga kriminal.