Ipinanukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas sa pamamagitan ng HB004384 ang pag-aatas sa lahat nang tanggapan ng pamahalaan, maging sa mga kampo ng militar, na iwagayway ang bandila ng Pilipinas sa lugar na dapat nitong kalagyan.
Ang HB04384 na iniakda ni Southern Leyte Rep Roger Mercado ay may pangunahing layunin na pataasin ng bawat empleyado ng gobyerno ang pagiging makabayan at pagpapahalaga sa watawat ng Pilipinas na siyang sagradong pangunahing simbolo ng ating mahal na bansa.
Nakasaad sa panukalang batas ni Mercado na papatawan ng parusang administratibo ang sinumang empleyado ng gobyerno na lalabag dito.
Gayundin, pagmumultahin din ang lumabag dito alinsunod sa probisyon ng new civil code at sa Revised Penal Code at mananagot ang opisyal ng tanggapan o kampo man ng militar sa hindi nito pagsunod sa nakasaad sa batas.