Wednesday, April 27, 2011

Pagbasura sa oil deregulation law, di sinang-ayunin ng Speaker.

Hindi pabor si House Speaker Feliciano Belmonte Jr sa panukala ng mga militanteng kongresista na ibasura na ang oil deregulation law matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Naniniwala si Belmonte na pansamantala lamang ang sobrang pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng kaguluhan sa mga bansa na pinagkukunan nito.

Sinabi ni Belmonte na ang pagbabale-wala o pagpapalit nito galing sa deregulation na maging regulation ay nangangailangan pa ng mahabang pagtatalakay at mahaba-habang usapin at hindi umano siya pabor dito, ngunit sa tingin naman niya, dapat lamang umanong magsagawa ng hakbang upang mapawi ang ganitong mga sitwasyon na palagay niya ay pansamantala lamang.

Isa umanong mahabang proseso ang pagsasapinal ng deregulation sa industriya ng langis na ayon sa kanya ay tama naman ang naging pasya nila.

Ang maaari umanong gawin sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 o ang RA08479 ay amiyendahan ito upang mas maging angkop sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa panukalang dapat bang suspendihin ng gobyerno ang ipinapataw na value added tax sa langis upang mabawasan ang presyo nito, sinabi ng Speaker na hindi ito dapat na manggaling sa kanya bagamat ang Kamara ay susuporta sa anumang hakbang na isasagawa ni Pangulong Benigno PNOy Aquino.