Sunday, April 17, 2011

Matagumpay na isinagawa: medical mission para sa mga buntis at kabataan

Isang medical mission na magbebenipisyo sa mga nagdadalang-tao at mga kabataan sa mga mahihirap na lugar sa lungsod ng Maynila upang mabawasan ng mga kumplikasyon sa panahon ng pagbubuntis at pagsisilang ang isinagawa noong nakaraang Martes.

Ang misyon ay pinangunahan ni Manila Rep Zenaida Angping na isinagawa sa Barangay San Nicolas sa Sta. Cruz, Manila na dinaluhan ng mga residente na kinabibilangan ng mga buntis at kabataan.

Sinabi ni Angping na boluntaryong naglingkod ang mga manggagamot at nurses mula sa Jose Reyes Memorial Hospital, San Lazaro Hospital at Fabella Hospital sa tinawag na Nanay Ngan Anak o Mother and Child.

Ang kaganapang ito ay bahagi ng pangkalahatang pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang tagumpay ng layunin ng Millennium Development Goals upang mapababa ang bilang ng pagkamatay ng mga kabataan at mga buntis sa bansa.

Bukod sa pagbibigay-lunas sa mga pasyente, isang feeding program din ang isinagawa para sa mga residente.

Ayon kay Angpin, hindi lamang wastong pag-aalaga sa kalusugan at pangangatawan ng mga ina ang layunin nila dito kundi upang turuan din maging ang mga lalaki kung papaano nila aalagaan ang kanilang mga asawa.

Inihayag ng mambabatas na pipili sila ng 10 buntis na tinataya nila na nanganganib ang pagdadalang-tao at tutukan nila ang kanilang pagbubuntis upang ganap na maalagaan mula pre-natal hanggang post-natal at ito ay kinabibilangan ng mga mga batang buntis na nagkakaedad ng 14 na taon pababa, mga nakatatandang kababaihan at mga may malalang karamdaman tulad ng diabetes.

Labis na nagpasalamat si Angping sa mga suportang inilaan ng mga pribadong samahan at indibidwal na nakilahok sa isinagawang medical mission.