Monday, April 11, 2011

Mandatory na ang ocular prophylaxis sa mga bagong silang na sanggol

Ipinasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang HB04075 o Mandatory Ocular Prophylaxis Act na iniakda ni Surigao del Sur Rep Philip Pichay na naglalayong mapangalagaan ang mga sanggol mula sa opthalmia neonatorum o isang karamdaman na maaaring ikabulag ng mga ito.

Sinabi ni Pichay na layunin ng panukala na gawing compulsory sa mga ospital at paanakan ang ocular prophylaxis sa mga bagong silang na sanggol at dapat na gawin ito ng manggagamot na nagluwal sa sanggol upang maiwasan ang pagkabulag.

Ayon sa kanya, ang kakulangan sa wastong nutrisyon tulad ng Vitamin A ang pangunahing dahilan na nagdudulot ng ophthalmia neonatorum sa mga sanggol - isang karamdamang labis na ikinababahala ng mga manggagamot at nakukuha ito sa panahon ng pagbubuntis na kasama ang tigdas at premature na panganganak.

Idinagdag pa ng mambabatas na ito ay sanhi umano ng impeksyon sa mata ng sanggol, pamamaga o pamumula sa isa o dalawang mata na maaaring makita sa loob ng dalawang linggo matapos na isilang ang sanggol.

Batay sa ulat ng WHO o World Health Organization ani Pichay, may 1.5 milyong kabataan sa buong mundo ang bulag at isang milyong kabataan sa Asia ay bulag, at ito ay sanhi ng corneal opacification - isang depekto sa mata na namiminsala sa central o peripheral area ng cornea.

Sa resulta ng pambansang survey sa pagkabulag sa bansa na isinagawa mula Abril 1994 hanggang Hunyo 1995 ay lumabas na may 478,968 mula sa 68.4 milyong Pilipino ay bulag.

Ipinaliwanag ni Pichay na ang lunas sa naturang karamdaman ay ang paglalagay ng 0.5% Erythromycin na nagkakahalaga lamang ng P160.

Hindi daw kailangang maging isang dalubhasa para malaman ang kahalagahan ng paggagamot sa karamdamang ito na siyang tanging lunas na magtatagal sa mahabang panahon.

Ayon sa mga kasamang mambabatas na may-akda ng panukala na sina Negros Occidental Rep Alfredo Maranaon III at Bagong Henerasyon Rep Bernadette Herrera-Dy, gagawing mandatory sa mga doktor ang paglalagay ng 1% tetracycline ophthalmic ointment o 0.5% erythromycin ophthalmic ointment o 1% silver nitrate aqueous solution sa mga mata ng bagong silang na sanggol.