Iminungkahi ni Tarlac Rep Jeci Lapus sa Kamara ang mabigat na parusa para sa sinumang indibidwal na masasangkot sa iligal na aktibidad sa pagrehistro ng puslit o smuggled na sasakyan.
Sa HB04362 na inihain ni Lapus, layunin nito na kaharapin ang suliraning smuggling ng mga imported na sasakyan at parusahan ang mga indibidwal na masasangkot sa iligal na gawaing ito.
Sinabi ni Lapus na ang pagrirehistro ng mga imported na sasakyan na walang clearance galing sa BOC o Bureau of Customs at BIR o Burueau of Internal Revenue ay nanatiling di napipigilan sa kabila ng ipinatutupad na batas hinggil dito.
Ayon sa kanya, ang mga tiwaling indibidwal ay nakakapagparehistro ng mga ganitong sasakyan sa LTO o Land Transportation Office na walang mga clearance o kung mayroon man ay may bahid ng irigularidad.
Ang iligal na pagpasok ng mga imported na sasakyan sa local market umano ay ang siyang pumupigil na makakolekta ang pamhalaan ng revenue na nakakaapekto sa progreso ng bansa.
Sa panukala, ang sinumang opisyal o empleyado ng pamahalaan na napapatunayang guilty ng gross negligence of duty, connivance o nagpaparaya na maisagawa ang tiwaling kaganapana ay paparusahan ayon sa itinakda ng batas, maliban pa sa outright dismissal sa serbisyo, disqualifcation na maluklok sa anumang halal na posisyon at appointment sa anumang serbisyo publiko.