Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukala na magtatakda sa buwan ng Enero bilang Liver Cancer at Hepatitis-B awareness and prevention month.
Sinabi ni Negros Occidental at House Health Committe Chair Alfredo Maranon III na layunin ng HB00988 na kanyang inakda ang pagpapalaganap ng wastong edukasyon at mga programa para sa proteksyon laban sa Hepatitis-B at sakit na kanser sa atay, lalo na sa mga bagong silang na sanggol.
Ang Liver Cancer and Hepatitis-B Awareness and Prevention Month Act ay itinakda dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong kinakapitan ng naturang karamdaman.
Ayon kay Maranon, kailangang umanong kumilos ang pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na aniya ay bantang panganib lalo na sa mga sanggol.
iminungkahi niya sa panukala na isang komprehensibong edukasyon at programa para sa kamalayan ng mga mamamayan sa naturang mga sakit ang dapat na ipatupad na pangungunahan ng DOH o Department of Health, katuwang ang bawa’t pamahalaang lokal upang matiyak ang makasaysayang paggunita sa okasyon.
Sa ilalim ng panukala, isang programang pang edukasyon at mahahalagang impormasyon na magbabalangkas sa mga kadahilanan ng naturang karamdaman kung papaano ito nakukuha at nahahawa, mga paraan ng paggamot at wastong lunas para sa Hepatitis B, mga benepisyo ng maagap na pagbakuna, kasama na ang pangangailangan ng bakuna sa mga sanggol na ibibigay sa loob ng 24 na oras matapos itong isilang.
Kaakibat ni Marañon sina Pampanga Rep Anna York Bondoc at Iloilo Rep Augusto Syjuco sa paghahain ng nabanggit na panukala.