Saturday, April 09, 2011

Kahalagahan ng VAT bill, payagan sana ni PNoy

Umaasa si Batangas Rep Hermilando Mandanas na ikokonsidera ng Malacanang ang kahalagahan ng kanyang panukala na bawasan ang tax payment ng mamimili mula sa VAT o Value Added Tax rate ng 12% sa mababang Value Simplified Tax rate na anim na porsiyento.

Bilang pagbibigay-halaga, inaasahan din ni Mandanas na tatalakayin ang panukalang VAST sa susunod na pagpupulong ng LEDAC o Legislative Executive Development Advisory Council.

Sinabi ni Mandanas na magiging totoo umano ang salita ng administrasyon na kung walang corrupt, walang mahirap kapag pinayagan ito Pangulong Aquino.

Ayon sa kanya, ang VAST bill ang siyang malaking ambag ng Kamara sa pagpupunyagi ng pamahalaan na mapababa ang kakulangan sa badget.

Pinaliwanag ni Mandanas na ang pangunahing nilalaman ng VAST bill ay maalis ang Input Tax Credit System, na maaaring pagmulan ng korapsyon at kumakain ng koleksyon sa buwis ng gobyerno.

Tiyak umano na mababawasan ang graft and corruption sa VAST bill na magsagawa ng komplikadong sistema at paper works sa ilalim ng Input Tax Credit System na mahina sa korapsyon gaya ng paggamit ng pekeng resibo, paulit-ulit na tax credit claims, understatement of sales at mahinang monitoring at auditing.