Monday, April 11, 2011

Batasan complex buildings, handa ba sa mga kalamidad?

Nanawagan ngayon ang mga mambababtas sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng pagtaya sa kahandaan ng Batasang Pambansa complex at mga pasilidad nito sa anumang kalamidad na maaaring tumama sa lungsod ng Quezon tulad ng lindol na may lakas o intensity 7.2.

Sinabi ni Muntinlupa Rep Rodolfo Biazon, na kailangang malaman umano ng bayan kung ang Batasang Pambansa complex ay may kakayahang makaligtas sa isang malakas na lindol.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on National Defense and Security, sinabi ni Atty Priscilla Duque ng Office of Civil Defense na bagamat ang Batasang Pambansa complex ay hindi sakop ng tinatawag na fault line, ay napag-alaman sa isang pag-aaral na posibleng makaranas ito ng malaking pinsala dahil malapit din ito sa fault lines.

Ipinanukala ni Biazon sa House Sergeant at Arms at House security na magpatupad ng mga kahandaan tulad ng earthquake drills sa House Secretariat at congressional staff ng mga mambabatas at kasama na ang iba pang mga kawani.

Nanawagan din ang mambabatas sa DPWH o Department of Public Works and Highways at iba pang kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na magsagawa ng masusing pagsasaliksik hinggil sa kahandaan ng mga gusali ng pamahalaan sa buong bansa mula sa anumang kalamidad tulad ng lindol.

Ayon kay Biazon, naniniwala umano sila sa Kamara na kailangang obserbahan at imbestigahan kung paano haharapin ang mga natural na kalamidad tulad ng lindol at tsunami sakaling dumating ang mga ito at maminsala sapagkat hindi daw malaman kung papaano ito gagawan ng batas.

Kayat nais umano nila malaman mula sa National Disaster Risk Reduction and NDRRMC o Management Council kung anong mga panukala ang dapat gawin dahil sila naman ang mga dalubhasa sa usaping ito, ani Biazon.

Naghain din ng ibat-ibang resolusyon hinggil sa usaping ito sina Cebu Rep Gabriel Luis Quisumbing, Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez, Abante Mindanao Rep Maximo Rodriguez Jr, Southern Leyte Rep Roger Mercado, Quezon Rep Danilo Suarez at Basilan Rep Jim Hataman Salliman.