Monday, March 21, 2011

Suplay ng langis ng Pilipinas, hindi kakapusin

Ipinahayag kahapon ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Jose Layug sa isang pagdinig sa Kamara na nangako umano ang Saudi Arabia at International Energy Agency (IEA) na susuplayan ang Pilipinas ng dalawang milyong bariles ng langis kada araw sa loob ng dalawang taon.

Sinabi ni Layug na bukas daw ang DOE sa pagbibigay ng oil subsidy sa mga sector na matinding naaapektuhan kapag tumataas ang presyo ng langis.

Ayon sa kanya, ang pagkilos na ito ay hindi umano katulad ng nabuwag na Oil Price Stabilization Fund sapagkat ang isinusulong nilang oil subsidy ay hindi panglahatan kundi para lamang sa mga targeted vulnerable sector kagaya ng transportasyon.

Ipinaliwanag ni Layug na kung ibalik sa pamahalaan ang regulasyon ng oil industry at magkaroon ng pangkalahatang subsidiya, mangangilangan daw ang gobyerno ng 2 bilyong dolyares bawat buwan para ito ay matustusan at ang limitadong subsidiya aya puwedeng pondohan sa pamamagitan ng sobrang kita ng gobyerno kagaya ng windfall profit mula sa value added tax (VAT) ng langis.