Friday, March 18, 2011

RH bill, sa Mayo na muli babalangkasin sa plenaryo

Mistulang nasapawan na ng impeachment case laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez at maging ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) election postponement ang Reproductive Health (RH) bill.

Ito ay matapos magpasya ang liderato ng Kamara de Representantes na isantabi muna ang floor deliberation sa RH bill upang bigyang daan ang impeachment case at ang ARMM election postponement sa huling linggo ng sesyon ng Kongreso.

Kulang umano ang tatlong huling araw na sesyon ngayong linggo kapag isinabay ang RH bill kaya nagpasya ang liderato ng Kapulungan na ituloy na lamang ang deliberasyon sa panukalang ito sa Mayo.

Mag-aajourn ang Kongreso sa Marso 25 at mula sa Marso 26 ay magbabakasyon na ang mga mambabatas at babalik ang mga ito sa Mayo 9, 2011.

Nangangamba si Iloilo Rep Janette Garin, isa sa mga sponsor ng nabanggit na panukala sa magiging epekto ng pagpapaliban sa deliberasyon nito.

Sinabi ni Garin na lalong magkakaroon ng panahon ang mga anti-RH group lalo na daw ang mga obsto at kaparian para gapangin ang mga mambabatas at harangin ang nasabing panukalang batas.