Iminungkahi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na umatras ang bagong Revenue Regulation ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para obligahin ang mga pribadong taxpayer na maghain ng kanilang mga annual information kasabay ng income tax return.
Sinabi ni Rodriguez na kahit ipagpaliban ng isang taon ng BIR ang mandatory filing nito/ay labag pa rin sa batas.
Ayon sa kanya, binago lamang daw ng BIR ang pangalan ng annual information ngunit sa katunayan ay ito pa rin ang tinatawag na SALN o statements of assets,liabilities and networth.
Lalabagin lang daw ng regulasyong ito ng BIR ang bank secrecy law dahil sa mga hinihinging impormasyon ng ahensya mula sa mga deposito ng taxpayer sa bangko.
Reaksiyon ito ng kongresista sa ipinalabas na regulasyon ng BIR na dapat mag-file ng SALN ang mga taxpayer na kumikita ng P500 thousand pesos kada taon.
Dahil dito, ikinakasa na ni Rodriguez ang paghahain ng resolusyon para ipatawag ang Department of Finance (DOF) at BIR upang pagpaliwanagin sa Kamara kung ano ang ligal na basehan para ipatupad ito.